Cauayan City, Isabela- Inihain ng isang konsehal ng Lungsod ng Cauayan ang panukalang magbibigay ng kapangyarihan sa Sangguniang Panlungsod na mag imbestiga sa kakasangkutang kaso ng mga opisyal ng barangay sa Lungsod.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Paul Mauricio, layunin nito na mapadali ang isasagawang imbestigasyon sa mga inirereklamong opisyal ng barangay.
Ayon pa kay Coun. Mauricio, may ilang kaso na rin aniya na nakabinbin sa konseho kaya’t naisipan nito na maghain ng panukala para sa mas mabilis na aksyon sa mga reklamo.
Matatandaang nakabinbin pa rin sa konseho at nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa isang barangay kagawad sa Lungsod na umano’y tumatanggap ng social pension mula sa DSWD na kahit wala pa ito sa edad na 60.
Tiniyak naman ni Coun. Mauricio na kapag naipasa ang nasabing panukala ay mas magkakaroon na ng konkretong hakbang ang kanilang hanay laban sa mga opisyal ng barangay.