Lalo pang lumakas ang typhoon “Hanna” habang nagbabadya sa Ryukyu Island, Japan.
Alas 10:00 kaninang umaga, huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 490 kilometers hilagang-silangan ng Basco, Batanes.
Umabot na sa 185 kilometers per hour ang taglay nitong lakas ng hangin habang ang pagbugso ay nasa 230 kph.
Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal number 1 sa Batanes at Babuyan Group of Islands.
Magdadala rin ang outer rainbands ng bagyong Hanna ng mga katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Region at Cagayan Valley.
Makakaranas naman ng monsoon rains ang Metro Manila, Occidental at Oriental Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Island, Romblon, Aklan, Antique, Iloilo, Guimaras, Zambales, Bataan, Rizal, Cavite at Bulacan.
Samantala, nagpalabas ng moderate to heavy rainfall warning ang PAGASA kaninang alas 11:30 ng umaga sa Pangasinan, Nueva Vizcaya at Ifugao na tatagal ng isa hanggang dalawang oras.
Bukas, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.