Ugnayan ng Pilipinas at Amerika, hindi mababago kahit sinong manalong US President

Kumpiyansa ang mga senador na walang malaking magiging pagbabago sa diplomatic relations ng Pilipinas at Amerika anuman ang maging resulta ng Presidential elections sa Estados Unidos.

Naniniwala si Senator Imee Marcos na panalo ang Pilipinas sinuman kina President Donald Trump at dating Vice President Joe Biden ang magwagi sa halalan.

Paliwanag ni Marcos, maganda ang ugnayan nina Pangulong Rodrigo Duterte at President Trump habang suportado naman ng democrats na kinabibilangan ni Biden ang Pilipinas.


Katwiran naman ni Senator Koko Pimentel, maraming problema na kinahaharap ngayon ang Amerika na kailangan nitong unahin habang mananatili naman ang “independent foreign policy” ng Pilipinas kung saan lahat ng bansa ay tinatrato nating kaibigan.

Tiwala naman si Senator Francis Tolentino na sinumang magwagi sa US Presidential elections ay ikokonsidera ang matatag na bilateral relations ng Pilipinas at Amerika gayundin ang regional security at trade relations.

Umaasa naman si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi tutularan ng mananalong Pangulo ng Amerika ang ginawang pagpapabaya sa atin ni dating US President Barack Obama sa isyu kaugnay sa West Philippine Sea.

Facebook Comments