
Inatasan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Benny Laguesma ang lahat ng regional directors na beripikahin ang mga ulat laban sa mga BPO companies na umano’y pinipilit pumasok ang mga empleyado sa gitna ng pananalasa Bagyong Uwan.
Ayon kay Laguesma, pagpapaliwanagin ang mga kumpanya kung bakit nila pilit na pinapapasok ang mga manggagawa na mag-report sa kabila ng mapanganib na kondisyon.
Hindi aniya palalampasin ng DOLE ang anumang hakbang na naglalagay sa panganib ng mga manggagawa.
Tiniyak din ni Laguesma na prayoridad ng kagawaran ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng manggagawa sa iba’t ibang industriya, hindi lamang sa BPO sector.
Inaasahan na magsusumite agad ng ulat ang mga regional office kaugnay ng mga hakbang na isinagawa.
Bago ito, sinabi ng grupong BPO Industry Employees Network o BIEN Pilipinas na libo-libong BPO workers ang patuloy na pinipilit pumasok kahit sa gitna ng panganib at sa kabila ng mga pagbaha at pagkawala ng kuryente.
Ilan sa mga manggagawa ay tinatakot umano ng Notice to Explain, tinatanggalan ng incentives, o pinipilit mag-report onsite kahit delikado.









