Kinalampag ng Palasyo ng Malakanyang ang ulat na inilabas ng US State Department kaugnay sa pang-aabuso sa karapatang pantao sa panahon ng Duterte administration.
Sa isang pahayag, sinabi ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na ipinakita na naman ng Amerika kung gaano kahina ang kanilang intelligence gathering.
Dagdag pa ni Andanar, walang basehan ang mga naitalang human rights violations sa 2021 State Department Country Reports on Human Rights Practices ng Amerika.
Sa katunayan, natugunan na aniya ang lahat ng mga alegasyon sa ulat kasama na ang mga paglabag na nagawa ng law enforcement officers sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang.
Dahil dito, hinihikayat ni Andanar ang US State Department na patunayan ang mga ulat na nakakarating sa kanilang tanggapan at atasan ang mga opisyal nito sa Embahada ng Pilipinas upang berepikahin ang mga ito.