UMAASA | Senator de Lima, patuloy na umaasa na magagampanan niya ang trabaho kahit nakakulong

Manila, Philippines – Umaasa si Senator Leila de Lima na makakabuo ng solusyon sina Senate President Tito Sotto III at PNP Chief Director General Oscar Albayalde para magampanan niya trabaho bilang Chairperson ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development kahit nakakulong.

Pahayag ito ni de Lima makaraang hindi pagbigyan ni Albayalde ang hiling ni Senator Sotto na makapagsagawa si de Lima ng pagdinig sa mga nakabinbing panukala sa kanyang komite sa loob ng PNP custodial center.

Naniniwala si de Lima na nabigyan si Albayalde ng maling legal advice kaya iginiit nito na sa korte dapat umapela ang liderato ng Senado.


Paliwanag ni de Lima, sa loob ng detention facility ng PNP sya magsasagawa ng senate hearing at hindi naman sya lalabas.

Inihalimbawa pa ni de Lima ang pagpapahintulot noon kay Senator Antonio Trillanes IV na makapagsagawa ng pagdinig sa loob din ng kulungan.

Si Senator Sotto naman ay wala pang planong iakyat sa korte ang hiling niya para kay de Lima dahil mag-iisip daw muna sya ng ibang paraan para magampanan ng Senadora ang trabaho kahit nakabilanggo.

Facebook Comments