Manila, Philippines – Umalma si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa proseso ng Kamara sa debate at deliberasyon sa mga mahahalagang panukala.
Ito ay kasunod ng pagpapatigil sa debate noong Lunes sa inaprubahang Resolution of Both Houses #15 at ang ginawang pagharang sa privilege speech ni Senior Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay.
Giit ni Atienza, bahagi ng rules ng Mababang Kapulungan ang privilege speech at question hour tuwing Lunes.
Paliwanag ni Atienza, sang-ayon naman sila na kailangang bisitahin at rebisahin ang saligang batas pero dapat ay naging democratic at bukas ang Kamara sa mga diskusyon na mahalagang marining ng taumbayan.
Samantala, si Congw. Aquino-Magsaysay ay nakatakda sanang mag-deliver ng privilege speech noong Lunes tungkol sa pagtutol nito sa itatayong power plant sa kanilang lugar sa La Union.
Nasa plenaryo ang mga constituents at kanyang pamilya para pakinggan sana ang privilege speech ng kongresista ngunit hindi ito pinayagang makapagsalita.
Duda si Minority Leader Danilo Suarez na kaya hindi pinayagan si Aquino-Magsaysay na mag-privilege speech ay dahil suportado ng ilang mambabatas ang itatayong 600 megawatts na power plant.