Umano’y donasyon ng Chinese spies sa PNP, paiimbestigahan ng Malacañang

Sisilipin ng Malacañang ang ulat na may donasyon umano ang mga Chinese spy sa Philippine National Police (PNP) at may mga padrino rin sa top brass ang mga Chinese na gumagawa ng mga iligal sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, iimbestigahan nila ang kabuuang detalye at pag-aaralan kung ang donasyong ito ay hindi para sa sariling interes.

Paliwanag ni Castro, hindi naman masamang tumanggap ng donasyon kung ito ay in ‘good faith.’

Tulad aniya ng mga ambulansiyang natanggap noon ni Vice President Sara Duterte mula sa China noong siya ay alkalde ng Davao City na gagamitin para sa COVID-19 pandemic.

Pero sabi ni Castro, kung may ibang dahilan at may kapalit ang pagdo-donate ay hindi ito dapat palampasin para hindi nagagamit ang mga ahensiya ng gobyerno sa interes ng ilang grupo.

Hindi aniya hahayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi nagagawa ng PNP ang kanilang tungkulin dahil lamang sa padrino.

Facebook Comments