
Aatasan na ni Senate President Chiz Escudero ang legal team ng Senado na makipag-ugnayan sa opisina ni Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Kaugnay ito sa paghayag ni Pimentel ng kahandaang tumulong sa pagbalangkas ng impeachment rules ng Senado para sa napipintong paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, welcome sa kanya at nagpapasalamat siya sa alok ni Pimentel na umalalay sa drafting ng impeachment rules.
Kakausapin niya agad ang legal team ng Mataas na Kapulungan para makipag-ugnayan na kay Pimentel.
Muling inulit ni Escudero na ang draft ng impeachment rules ay isang simpleng proposal lamang na kailangan pang aprubahan sa plenaryo o sa impeachment court oras na sila ay magbukas ng sesyon o mag-convene bilang korte.