Cauayan City, Isabela- Isang lalaki na nagpakilala bilang intel officer ng Philippine Army at kasapi ng CIDG Isabela ang nagtungo umano sa pamilya ng tatlong kargador ng palay na dinukot kamakailan sa Brgy. Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginang Marilou Sibayan, kamag-anak ng isang na-kidnap na si Joseph Allisan sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Kahapon ay mayroon aniyang isang lalaki na nakasuot ng jacket lulan ng motorsiklo ang nagtungo sa kanilang bahay at nagpakilala na siya’y intel ng kasundaluhan at nagtatanong tungkol sa background ng kanyang nawawalang kamag-anak.
Nabatid na nagtungo rin ang nasabing lalaki sa pamilya ng isa pang nadukot na si Alfredo Francisco at nagpakilala naman bilang kasapi ng CIDG Isabela at inaalam rin ang tungkol kay Francisco.
Giit ni Sibayan na wala umano silang naibigay na impormasyon dahil wala naman aniyang nakaaway ang mga biktima at wala ring record sa PNP.
Nananawagan naman ito sa publiko na ipaalam sa kanila o sa himpilan ng pulisya sakaling makilala o makita ang mga dinukot na biktima.
Ayon naman kay P/Lt Col Arthure Marcelino, pinuno ng CIDG Isabela, wala pa silang inuutusang tauhan mula nang pumutok ang isyu ng pagdukot sa 3 lalaki.
Ipinaliwanag nito na kung magsasagawa ng imbestigasyon ang CIDG ay naka uniform ang mga ito at lahat ng kanilang ginagawang proseso ay nakadokumento.
Magpapakilala rin aniya sila sa pamilya bago isagawa ang kanilang pag-iimbestiga.
Magugunita na noong Huwebes ng tanghali, Enero 6, 2020 ay nagtungo sa lugar ang mga biktima upang maghakot ng palay nang biglang dumating ang puting Van at bumaba mula sa sasakyan ang anim na armadong kalalakihan at agad pinadapa, tinutukan ng matataas na kalibre ng baril ang mga biktima at isinakay sa kanilang sasakyan.