
Hindi muna magbibigay ng pinal na pahayag ang Malacañang sa alegasyon ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na umano’y nagbigay ng maling datos ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng mga flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, kailangan munang beripikahin ng pamahalaan ang mga pahayag bago maglabas ng komentaryo o hakbang.
Aniya, hindi maaaring agad-agad ipagpalagay na mali ang lahat ng proyektong naisumite sa pangulo; kailangang isa-isang suriin ang bawat proyekto at ikumpara sa mga ulat na dumating sa Malacañang.
Nilinaw ni Castro na may mga proyekto ring personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tumugma sa mga project reports, habang may ilan ding hindi umaayon sa orihinal na impormasyong naisumite.
Binigyang-diin ng Palasyo na ang layunin ng masusing beripikasyon ay matiyak ang katotohanan, pananagutan, at wastong paggamit ng pondo bago maglabas ng anumang opisyal na pahayag o legal na hakbang.










