Sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na batay sa kanilang computation, nag-overcharge umano ang Meralco sa mga customers nito ng PHP160 billion simula noong 2012 na aabot sa 200 billion pesos kung isasama ang interes.
Sa ginanap na hearing ng Committee on Legislative Franchises ay binanggit ni Congressman Fernandez na lumalabas na maaring umabot sa P26,000 hanggang P30,000 ang kailangang i-refund umano ng Meralco sa consumers nito.
Iminungkahi rin ni Fernandez na napapanahon ng rebisahin muli ang ibinigay na prangkisa sa Meralco.
Iginiit naman ni Lawrence “Larry” Fernandez, Meralco Head of Utility Economics na patas at rasonable ang presyuhan nito dahil bilang highly regulated entity ay dumaan sa masusing pag-aaral at proseso ng pag-abpruba ang rates na ipinapatupad nito.
Diin ni Larry Fernandez, hindi sila lamang ang nagtakda ng lahat ng rates na nasa bill ng Meralco dahil ito ay mayroong lawful and regulatory approval.
Ayon kay Larry Fernandez, tumatalima sa lahat ng pagkakataon ang Meralco sa regular na review na ginagawa ng Energy Regulatory Commission.
Nilinaw rin ni Larry Fernandez na ang pagtatakda ng weighted average cost of capital (WACC) ay nakadepende sa regulator at hindi Meralco ang nagdiditermina nito simula pa noong July 2015 o sa mga panahon na walang isinagawang rate reset.