*Cauayan City, Isabela- *Isa umanong kasinungalingan ang ipinalabas na pahayag ng Reynaldo Piñon Command makaraang dis-aramahan ang mga elemento ng Task Force Kalikasan o TFK na umano’y nakikipagsimpatya ang TFK sa mga iligal loggers sa kanilang isinasagawang Checkpoint sa Sindon Highway ng Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.
Ito ang inihayag ni Captain Noriel Tayaban, ang OIC ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army sa RMN Cauayan na ginagawa umano lahat ng mga NPA ang kasinungalingan upang makuha ang simpatya ng mga mamamayan.
Iginiit ni Capt. Tayaban na wala umanong katotohanan na bantay salakay ang mga Task Force Kalikasan bagkus ang mga NPA mismo umano ang nagongotong sa mga iligalista na siyang sumusuporta sa mga makakaliwang grupo.
Isa umanong patunay ay ang pagkahuli ng DENR sa isang iligal loggers na kinikikilan umano mismo ng mga NPA na siya ring sumusuporta sa mga ito.
Sa ngayon ay hindi pa umano makumpirma kung mayroong mga baril ang nakuha sa mga Outpost sa brgy. Sindon, Bayabo matapos umanong dis-armahan ng Reynaldo Piñon Command ng NPA Central Isabela Front ang mga kasapi ng TFK.
Pinapakita lamang umano ng Reynaldo Piñon Command na marami ang kanilang miyembro subalit ayon kay Capt. Tayaban ay hindi umano aabot sa isang platoon ang bilang na bumubuo sa kanilang grupo.