Cauayan City, Isabela- Binasag na ang pananahimik ni Rocky Valdez, Regional Manager ng National Food Authority (NFA) Region 2 sa inihayag ni Sec. William Dar ng Department of Agriculture (DA) sa katatapos lamang na paglulunsad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa bayan ng Roxas, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Valdez, bagamat hindi direkta sa NFA Region 02 ang sinabi ni Sec. Dar na may ‘palakasan system at under the table sa pagbili ng palay ay kanyang iginiit na walang ganitong sistema ng pagbili sa kanilang tanggapan.
Aniya, posibleng may katotohanan ang sinabi ng Kalihim subalit maaari aniya na nangyari ito noong mga nakalipas na panahon.
Kaugnay nito ay ipinagmalaki ni Valdez na mula noong Enero hanggang ngayong Oktubre ay nakabili na sila ng 1.5 million kaban ng palay mula sa mahigit labindalawang libong magsasaka sa rehiyon kung saan ang lalawigan ng Isabela ang may pinakamaraming nabiling palay ng mga magsasaka.
Ayon naman kay Emmanuel Villanueva, Provincial Manager ng NFA-Isabela, tiniyak na walang ‘palakasan system’ sa pagbili ng palay dahil lahat aniya ay pumipila at dumadaan sa proseso.
Hinihikayat naman ng NFA ang mga magsasaka na makipagtulungan at magsumbong sa kanilang tanggapan kung mayroon mang palakasan system sa rehiyon upang mabigyan agad ng kaukulang aksyon ng pamunuan ng NFA.