Umano’y pamamaril ng militar sa ilang mangingisda sa San Mariano, Isabela, Nilinaw!

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Major Gladius Calilan*, *Commanding Officer ng 95th Infantry Batallion, 5th ID, PA ang umano’y karahasan na naganap sa pagitan ng militar at sa mga civilian noong Enero 13, 2019 sa Brgy. Ibujan, San Mariano, Isabela.

Ito ay may kaugnayan sa naging post ng Danggayan Cagayan Valley sa kanilang Facebook account na mayroon umanong mga indibidwal ang hinuli ng 95th IB at dinala sa Brgy. Rogus, Cauayan City na kalaunan ay pinalaya at nakauwi rin sa kanilang tahanan.

Matatandaan na noong Enero 13, 2019 ay nagtungo ang kasapi ng 95th IB sa Brgy. Ibujan upang respondehan ang kanilang natanggap na impormasyon mula rin sa mga residente ng naturang barangay hinggil sa isinasagawang aktibidad ng mga rebeldeng NPA na nagresulta sa engkwentro.


Ayon kay Major Calilan, dinala sa Brgy. Rogus ang anim na nahuli dahil ito ang pinakamalapit na barangay upang mailabas ng maayos at maiturn-over sa himpilan ng pulisya.

Ayon pa sa pahayag ng Danggayan Cagayan Valley, inakusahan umano ng mga sundalo ang anim na magsasakang hinuli na mga “pasa bilis” at nagtatago daw ng granada sa kanilang basket ng isda at gamit na pangisdang lambat.

Nilinaw naman ito ni Major Calilan na tinugunan lamang nila ang ulat mula sa mga mamamayan kaugnay sa matagal na panggugulo at panghihikayat ng mga NPA sa mga residente ng lugar na sakop ng San Mariano.

Kaugnay nito ay nananawagan si Major Calilan sa publiko na huwag magpadala at magpaloko sa matatamis na salita ng mga mapaglinlang na mga komunistang NPA.

Samantala, handa pa rin anya ang kasundaluhan upang tumugon sa anumang sumbong at patuloy rin ang kanilang maigting na pagbabantay sa mga lugar upang masiguro ang seguridad at katahimikan ng nasasakupang lugar.

Facebook Comments