Hindi sinipot ng negosyante at binansagang “Sibuyas Queen” na si Lilia “Leah” Cruz ang pagpapatuloy ngayong araw ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ukol sa isyu ng “hoarding” at manipulasyon sa presyuhan ng mga sibuyas at iba pang produktong agrikultural.
Paliwanag ni Atty. Kenneth Brian Tegio, legal counsel ni Cruz, may “prior commitment” ang kaniyang kliyente na bumisita sa ilang mga magsasaka at bumiyahe sa probinsya pero wala na itong detalyeng maibigay.
Dahil dito, pinabigyan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga si Atty. Tegio ng dalawang oras para makipag-ugnayan kay Cruz pero hindi niya raw ito makontak.
Bunsod nito ay inatasan ni Barzaga si Tegio na magsumite ng paliwanag sa komite sa loob ng 24 oras kung saan talaga naroroon si Cruz sa kasagsagan ng pagdinig kaakibat ang paliwanag kung bakit ito hindi dapat i-contempt ng komite.
Magugunitang sa mga nakaraang pagdinig ng komite na pinamunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga ay present at nagisa ng mga kongresista si Cruz, kung saan nabulgar din ang ilang “modus” sa supply ng sibuyas.