UMANO’Y VOTE BUYING SA CAGAYAN, NABISTO SA PAMAMAGITAN NG STUB NA MAY QR CODE

Cauayan City, Isabela- Usap-usapan ngayon sa probinsiya ng Cagayan ang ibang klaseng pamamaraan ng vote buying ng mga kandidatong tumatakbo para sa halalan 2022.

Batay sa impormasyon na ibinahagi ng Cagayan Provincial Information Office, bukod kasi sa limang daang piso na ipinamimigay ng mga Coordinator ng mga kandidatong bumibili ng boto ay sinasamahan pa nila ito ng stub na may QR Code kung saan nakalagay ang pangalan at address ng isang botante.

Matapos mabigyan ng stub ang mga botante, pinapapunta sila sa isang lugar kasama ang kanilang stub para kumuha ng pera kapalit ng kanilang boto.

Tinatakot din umano ang mga botante na malalaman nila kung sino ang kanilang iboboto sa pamamagitan ng QR Code ng kanilang stub ngunit ang QR Code na ito ay peke at hindi naglalaman ng anumang impormasyon ng isang botante.

Samantala, pinatutukan na ito ni Gov. Manuel N. Mamba sa COMELEC para mabigyan ng sapat na impormasyon ang taumbayan kaugnay sa siguradad ng isang botante at maipaliwanag na walang kakayahan ang sinuman na malaman kung sino ang ibinoto ng isang botante at ang QR code naman na ginagamit na panakot ng mga pulitikong bumibili ng boto / ay isang desperadong pamamaraan lamang.

Facebook Comments