UMARANGKADA NA | Inagurasyon ng PITX pinangunahan ni PRRD

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng Parañaque Intermodal Terminal Exchange (PITX).

Kasama ni Pangulong Duterte sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, MWM terminals President Louie Ferrer, Megawide chairman Edgar Saavedra at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng presidente na ito ang tutugon para maibsan ang masikip na trapiko sa Metro Manila.


Nabatid na aabot sa isang daang libong pasahero ang makikinabang sa state of the art terminal.

Tiniyak ng Pangulo na walang kurapsyon at walang kumita na mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing proyekto.

Binanggit din ni Pangulong Duterte na hindi niya naging contributor sa nakaraang halalan ang Megawide group na siyang nakabahagi ng DOTr sa naturang transport hub.

Ang nasabing makabagong transport terminal ang siyang magiging bagong sakayan at babaan ng mga pasaherong papunta at mula sa Southern Tagalog area.

Bukod sa mga bus ay magsisilbi rin itong terminal para sa mga AUV, jeepney at taxi.

Nauna nang sinabi ni Tugade na bukod sa PITX ay isusunod nila kaagad ang pagtatayo ng kahalintulad na transport terminal.

Isa rito ang itatayo sa Sta. Rosa Laguna at ang isa naman ay sa Bocaue, Bulacan na magsisilbing transport hub para sa mga bus na biyaheng norte.

Facebook Comments