*Cauayan City, Isabela- *Naging abala ngayong araw ang PNP Cauayan City kasama ang Incident Manage Team (IMT) gaya ng BFP Cauayan, POSD, Rescue 922, CDRRMO para sa seguridad sa tatlong araw na aktibidad ng Junior Chamber International o JCI na magsisimula ngayong araw sa FLDY Coliseum.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Esem Galiza, ang Police Community Relations Officer ng PNP Cauayan City na nasa walumpung pulis mula sa ibat-ibang hanay ng PNP Isabela ang naitalaga sa iba’t-ibang bahagi dito sa lungsod ng Cauayan upang tumulong sa pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan dito sa ating Lungsod.
Una rito ay upang mapanatili ang seguridad sa mga gagawing aktibidades ng JCI area 1 Conference at kasabay na rin sa pagdiriwang sa kaarawan ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III ngayong araw.
Inaasahan umano na nasa mahigit walongdaang miyembro ng Junior Chamber International ang dadalo sa nasabing aktibidad na magmumula sa Cordillera Region, Region 1, Region 2 at Region 3.
Samantala, pinaghandaan rin ng Lungsod ng Cauayan ang pagbisita ni Senador JV Ejercito at upang makipagdiwang sa kaarawan ng ating gobernador.