Idineklara ng Philippine National Police (PNP) na ‘generally peaceful’ ang unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga lugar na nakapailalim sa NCR Plus bubble.
Ito ang naging pagtaya ng PNP batay sa kanilang pagbabantay mula pa kaninang alas-12:01 ng madaling araw.
Ayon kay PNP Spokesman Pol. Brig. Gen. Ildebrandi Usana, bagama’t aminado silang pahirapan ang pagpapatupad ng 50% capacity sa mga pampublikong transportasyon partikular na sa mga jeepney, maayos namang napaalalahanan ang publiko gayundin ang mga tsuper.
Pakiusap lang ng PNP sa mga Authorized Persons Outside of Residence o APOR na laging dalhin ang kanilang mga Identification o ID card para mabilis silang palusutin sa mga itinalagang quarantine at border control points.
Habang patuloy naman ang panawagan ng PNP sa mga wala namang mahalagang gagawin sa labas na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan upang makatulong na pababain ang mga naitatalang kaso ng COVID-19.