Inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Pasay na kanila munang lilimitahan ang pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19 sa mga senior citizen.
Ito’y dahil sa kakulangan ng suplay ng bakuna na ipinagkaloob sa lungsod.
Plano ng Pasay Local Government Unit (LGU) na bigyan ang nasa 7 senior citizen kada barangay ng una nilang dose ng bakuna.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, napagdesisyunan nila na limitahan muna ang pagbibigay ng bakuna sa mga nakakatanda dahil kailangan muna nila ipagpatuloy ang mga naunang nabigyan nitong nakalipas na linggo.
Pero iginiit ng alkalde na sakali naman dumating ang karagdagang suplay ng bakuna mula sa gobyerno ay kanilang ipagpapatuloy ang ginagawa nilang mass vaccination.
Nabatid na target ng lokal na pamahalaan ng Pasay na mabakunahan ang 14,000 na indibdwal kada linggo sakaling sumapat na ang suplay ng COVID-19 vaccines lalo na’t inaasahan rin nila ang pagdating ng 275,000 na bakuna mula sa AstraZeneca sa buwan ng hunyo o kaya sa hulyo.
Kasalukuyan naman nilang isinasagawa ang pagbibigay ng second dose ng bakuna sa mga health workers, persons with comorbidities at iba pang senior citizens.