Saturday, February 14, 2026

Unang hybrid passenger buses sa Pilipinas, malugod na tinanggap ng LTFRB

Malugod na tinanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpasok ng unang hybrid passenger buses sa bansa.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, isa itong malaking hakbang tungo sa environment-friendly modernization ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas.

Sampung unit ng hybrid passenger buses ang inilunsad ng Genesis Transport Service Inc., na magbibigay-serbisyo sa mga commuter mula Balanga City, Bataan hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at pabalik.

Ipinaliwanag ni Mendoza na ang isang kilowatt-hour na konsumo ng hybrid bus ay katumbas ng isang litrong diesel. Aniya, nasa ₱11 hanggang ₱13.50 ang halaga ng isang kilowatt-hour kumpara sa mahigit ₱50 kada litro ng diesel, kaya mas matipid ito sa operasyon.

Dagdag pa ng opisyal, bukod sa mas mababang gastos, mas environment-friendly din ang paggamit ng hybrid buses.

Kumpiyansa ang LTFRB na mas marami pang bus companies ang susunod at mag-iinvest sa hybrid at electric passenger buses bilang bahagi ng public transport modernization program.

Facebook Comments