Manila, Philippines – Nakahanda na ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa sementeryo sa darating na Undas.
Ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, pansamantalang ipatitigil ang paglilibing simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Bawal na ring magpapasok ng sasakyan simula alas-12 ng hatinggabi ng Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Sa Oktubre 29 naman ang huling araw ng pag-aayos ng mga puntod sa sementeryo.
Sa Nobyembre 1, alas-12 ng tanghali, nakatakdang buksan ang gate 2 at 3 ng sementeryo.
Muli ring pinaalala ni Tan na bawal ang pagdadala ng kutsilyo, ice pick, screw driver, itak at iba pang matatalim at matutulis na bagay.
Bawal din ang speaker, gitara at iba pang bagay na magdudulot ng ingay.
Hindi rin puwedeng magdala ng flammable materials o mga materyal na madaling magliyab gaya ng paint thinner at gas.
Bawal din ang pagdadala ng mga nakalalasing na inumin at ano mang bagay na may kinalaman sa sugal.