Pinatitriple ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang unemployment insurance para sa mga empleyadong nawalan ng trabaho lalo na ngayong COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng House Bill 8594 na inihain ni Pimentel, inaamyendahan dito ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Sa isinusulong na mas mataas na unemployment benefits, magiging katumbas ito ng 50% ng buwanang sahod sa loob ng anim na buwan na ibibigay naman ng isang bagsakan sa laid-off worker.
Ibig sabihin, kung ang isang displaced worker ay kumikita ng P15,000 kada buwan ay makakakuha ito ng P45,000 na unemployment benefits malayo sa kasalukuyang subsidiya na katumbas lamang ng 50% ng dalawang buwang sweldo ng isang empleyado o P15,000 lamang.
Maaaring i-claim ang benepisyong ito sa Social Security System (SSS).
Paglilinaw pa ng kongresista, ang unemployment insurance ay isang uri ng cash grant at hindi ito pautang o hindi dapat bayaran ng empleyado.