Iginiit ni Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda kay Pangulong Duterte na isama sa mabibigyan din ng tulong sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon ang mga pamilyang kabilang sa middle-class sa ilalim ng pagpapatupad ng Universal Basic Approach.
Ito ang nakikitang win-win solution ng mambabatas kasunod ng panawagan ni Pangulong Duterte na maisama sa financial assistance ang mga nasa middle class.
Ayon kay Salceda, sa ganitong paraan aniya ay mas malawak ang maaabutan ng tulong mula sa gobyerno kung saan mapapabilang pati ang mga middle-class sa mabibigyan ng ayuda.
Sa proposal ni Salceda, bawat Pilipino maliban sa top 10% ng populasyon ay maaaring bigyan ng tig P1000 hanggang P2000 per head bilang emergency assistance kung saan kasama dito ang middle-class.
Sa pamamagitan aniya nito ay maaalis na ang kalituhan sa kung sino ang eligible na makatanggap ng ayuda dahil mapapadali rin aniya ang ditribusyon at hindi na kailangan ng mahabang proseso sa pag-validate ng mga listahan ng benepisyaryo.
Bukod dito, higit na makakatipid rin aniya ng pondo ang pamahalaan sa naturang basic income approach dahil maglalaan lamang ng P198.2 billion ang pamahalaan para ma-cover ang 90% ng populasyon ng bansa habang P176.2 billion naman kung 80% lang ng populasyon ang bibigyang ng ayuda.
Hindi hamak aniyang mas mababa ito kumpara sa P200 billion na projected emergency subsidy program na kasalukuyang ipinapatupad ngayon ng pamahalaan.