Wednesday, October 7, 2026

UPACC, kakasuhan ng graft and corruption at conflict of interest ang ilang lokal na opisyal ng Magalang, Pampanga

Sasampahan ng mga kasong graft and corruption at conflict of interest ng United Pilipinos Against Crime and Corruption o UPACC si Magalang, Pampanga Mayor Lourdes “Malu” Lacson at iba pang lokal na opisyal, dahil sa di umano’y ilegal na pagsu-supply ng mga manggagawa sa tunawan ng bakal na Chuangxing Steel Corporation.

Nag-ugat umano ang paghahain ng kaso sa paglapit sa grupo ng ilang trabahador ng Chuangxing Steel, na nasa ilalim ng Kingsmen Manpower at Bantayan Manpower Agency, para humingi ng tulong dahil sa pangmamaltrato at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa na kanilang naranasan, ayon kay UPACC Chairperson Pyra Lucas.

Dahil dito, magbibigay ng legal assistance ang UPACC sa mga nagsampa ng kaso sa National Labor Relations Commission laban kina Lacson.

Dagdag ni Lucas, sasampahan din ito ng kasong large-scale illegal recruitment dahil lumalabas umano sa dokumento na si Lacson at ilan pang opisyal ng Magalang ang may-ari ng Kingsmen Manpower, na hindi accredited ng DOLE.

Sa kabilang banda, nakahanda na rin umano ang kasong illegal reclassification ng lupa na kinatitirikan ng Chuanxing at mga unexplained wealth ng alkalde.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Senator Risa Hontiveros na maglalabas ng subpoena ang Senate Committee on Economic Affairs laban kay Lacson, dahil sa hindi nito pagsipot sa mga pagdinig hinggil sa ilegal na operasyon ng Chuangxing Steel na may panganib sa kalagayan ng halos 400 manggagawa nito.

Facebook Comments