UPDATE: Apatnapu’t isang araw matapos maitala ang pang-34 na CONFIRMED CASE sa rehiyon, isang panibagong kaso na positibo sa COVID-19 muli ang naitala sa Cagayan Valley.
Sa ibinahaging impormasyon ng PIA Region 02, ang pang-35 na kaso na naitala ay nasa katauhan ng isang 30 taong gulang na babae, isang domestic helper mula sa Echague, Isabela.
Ang pasyente ay isang OFW na nagtrabaho sa Dubai at umuwi sa Pilipinas noong ika 18 ng Marso at sumailalim sa mandatory 14-day quarantine sa Quarantine Facility na itinalaga ng Lungsod ng Caloocan.
Matapos maquarantine ay sumailalim pa ang pasyente sa home quarantine na tumagal rin ng 14 na araw.
Siya ay nanatili sa Metro Manila at umuwi lamang sa Echague nitong ika-apat ng Hunyo at agad isinailalim sa quarantine pagkarating sa kanilang bayan.
Bilang isang indibidwal na may kasaysayan sa isang lugar na may mga positibong kaso ng COVID-19, ang pasyente ay isinailalim sa RT-PCR testing at nagpositibo dito.
Sa kasalukuyan, ang pasyente ay walang naipamalas na mga sintomas ng sakit at siya ay nasa pangangalaga ng Echague District Hospital.
Ang contact tracing para sa lahat ng posibleng nakasamaluha ng pasyente ay kasalukuyan nang isinasagawa ng DOH sa pamamagitan ng ating Regional Epidemiology and Surveillance Unit, katuwang ang DILG at PNP at kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, at Lokal na Pamahalaan ng Echague.
Sila ngayon ay nagtutulong tulong upang maisagawa ang contact tracing, nang agarang matukoy ang naging “close contacts” ng pasyente.
Abiso po sa publiko na makipagtulungan sa ating nabanggit na mga kinauukulan sakaling makipagugnayan po sila sa atin, bilang tulong natin sa kanilang pagsisikap na maisagawa ang contact tracing.