Upgrading ng mga ATM cards, pinamamadali ng Kamara

Manila, Philippines – Pinamamadali ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone sa Bangko Sentral ng Pilipinas at sa Monetary board ang pag-upgrade sa mga ATM cards.

Kasunod ito ng ginawang imbestigasyon ng Kamara sa BPI system glitch at BDO skimming kung saan pinatitiyak na ligtas ang lahat ng ATM cards at hindi na magagamit sa iregularidad.

Sa sulat na ipinadala ni Evardone kay BSP Governor Nestor Espenilla Jr, iginiit nito na paagahin sa Dec 31, 2017 ang deadline sa upgrading ng ATM cards mula sa dating deadline na June 30, 2018.


Binigyang diin ng kongresista na hindi na dapat maulit ang skimming sa ilang accounts ng mga bangko.

Nababahala ang kongresista na sa bawat araw na lumilipas na hindi naisasakatuparan ng lubos ang ATM upgrading ay nananatiling bukas sa panganib ng skimming ang bawat account sa bangko lalo na ang mga gumagamit ng ATM cards sa transaksiyon.

Giit ni Evardone, long overdue na ang upgrading sa global standard para sa chip-based credit at debit card transactions na mas mahirap umanong ma-hack ng mga skimmers.

Facebook Comments