Todo higpit ang ginagawang pagbabantay ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa labas ng US Embassy sa Roxas Blvd., lungsod ng Maynila.
Ito ay may kaugnayan sa inaasahang kilos-protesta ng ilang grupo ngayong Labor Day.
Nabatid sa pamunuan ng MPD na tuwing Labor Day ay sumusugod ang ilang mga militanteng grupo sa US Embassy para ipanawagan ang iba’t-ibang isyu.
Nasa tatlong truck ng pulis at isang fire truck ang naka-stand by sa tapat ng US Embassy.
Bukod dito, bantay sarado rin ng MPD ang Liwasang Bonifacio at tapat ng Philippine Postal Office sa Maynila dahil sa inaasahang ibang aktibidad may kinalaman sa Labor Day.
Naglagay ng advance command post ang MPD para ma-monitor ang ilang aktibidad ng grupo ng mga manggagawa.
Sa ngayon, wala pa naman naitatalang anumang hindi inaasahang insidente ang MPD at umaasa silang magtutuloy-tuloy ito hanggang mamayang gabi.