US President Donald Trump, hinimok ng isa sa mga kaalyado nito na tanggapin ang pagkatalo sa 2020 Presidential Election

Hinimok ni dating New Jersey Governor Chris Christie si US President Donald Trump na tanggapin na niya ang pagkatalo sa 2020 Presidential Election.

Ito’y kahit pa iginiit ni Trump na hindi siya magco-concede sa katatapos lamang na halalan kung saan kaniyang sinabi na nagkaroon ng malawakang dayaan sa botohan.

Ayon kay Christie, itinuturing niyang malaking kahihiyan ang buong legal team ni Trump lalo na’t panay ang bukang-bibig ng mga ito na may dayaang naganap sa katatapos na halalan habang nasa labas ng korte pero kapag nasa loob na ay wala ng masabi.


Sinabi pa ni Christie na dapat ng tanggapin ni Trump ang pagkatalo at huwag ng ipagpatuloy pa ang pahayag na may dayaan na naganap gayung wala naman sapat na ebidensiya at hindi naman ito totoong nangyari.

Nabatid na si Christie ang unang Governor na nag-endorso kay Trump bilang Presidential candidate ng Republican Party noong 2016 at siya rin ang tumulong para paghandaan nito ang naging debate kamakailan kay bagong US President Joe Biden.

Facebook Comments