Nagbabala ang Department of Health o DOH sa mga pasibleng maging sakit ngayong summer dahil sa taglay na init ng panahon at mga pakikisalamuha sa iba’t-ibang tao sa kaliwa’t kanang mga paliguan at beaches.
Una sa mga sakit na pwedeng magkaroon ay ang Sunburn. Ang sunburn o ang pagkasunog ng balat ay resulta ng matagal na pagkakabilad sa araw. Ang kondisyong ito ay karaniwan sa panahon ng tag-araw o summer.
Sa mga simpleng kaso ng sunburn, ang balat na nasunog ay maaaring mamula-mula o nangingitim at mahapdi sa simula. Ngunit sa paglipas ng ilang araw, ang balat na nasunog ay magsisimulang matuklap at magdudulot ng matinding pangangati sa balat. Ang pagtuklap ng balat ay magtutuloy-tuloy hanggang sa tuluyang mawala ang mga nasunog na bahagi ng balat.
Ito ang mga dapat gawin para sa paunang lunas ng Sunburn:
Tapalan ng tuwalyang binasa ang apektadong bahagi sa malamig na tubig o kaya ay paagusan ng malamig na tubig ang balat na nasunog para mabawasan ang hapding nararanasan.
Pahiran ang nasunog na balat ng gel o ointment para sa sunburn. Ang mga kadalasang pinapahid ay may sangkap na menthol, camphor, at katas ng aloe vera. Makatutulong din ang tuloy-tuloy na pag-inom ng tubig. Kung ang balat ay namamaga dahil sa tindi ng sunburn, makatutulong ang pag-inom ng gamot kagaya ng aspirin o ibuprofen.
Ito ang ilan pang mga sakit na puwedeng magkaroon ngayong summer:
Bulutong
Isa sa kinakakatukan kapag tag-init ang bulutong tubig o chicken pox. Ayon sa Department of Health (www.doh.gov.ph/node/2219) sanhi ito ng varicella virus. Madali itong makahawa kaya pinapayuhan na i-isolate ang mga taong may bulutong. Maaaring mahawa ang mga tao na natalsikan ng laway o nadikit sa balat ng may bulutong. Pinakanakakahawa umano ito limang araw bago o limang araw pagkatapos lu-mabas ng mga butlig sa balat.
Sore eyes
Makukuha mo bang makipagtitigan sa isang taong mapula ang mata? Hindi kay Dracula o sa taong sabog sa droga, kundi sa taong may sore eyes. Pero taliwas sa paniwala ng marami, hindi ka mahahawa ng sore eyes sa simpleng pagtingin lamang. Ang sore eyes o conjunctivitis ay sanhi ng virus o bacteria na nagpapapula, nagpapaluha at labis na nagpapamuta sa mata. Hindi man nakakahawa ang simpleng pagtingin, madali itong makahawa. At ang pinaka epektibong paraan upang hindi mahawa ay ang tamang paghuhugas ng kamay. Kapag mayroong bacteria o virus ng sore eyes na nasa bagay na hinawakan at ikinuskos ang kamay sa mata, mataas ang tyansa na ikaw ay mahawa.
Bungang-araw
Karaniwan na ang pagkakaroon ng bungang araw kapag dumating na ang tag-araw o summer. Ang bungang-araw o prickly heat ay ang pagkakaroon ng mapupula at maliliit na butlig sa balat na maaaring mahapdi o makati. Ang pagkakaroon ng bungang-araw ay nagsisimula sa sobrang pagpapa-wis ng balat dahil sa sobrang init.
Pagsusuka at pagtatae
Kadalasan nakukuha sa mga pagkaing madaling masira, mainam kung magiging maingat sa pagbili ng mga street foods na mga pagkain na binabaon, o yung mga pagkain na madaling masira sa panahon ng tag-init. Ang pangunahing gamot sa pagsusuka at nagtatae ay pag-inom ng oral rehydration salt solution at maraming tubig.
Sipon at ubo
Ang “sipon at ubo” naman ay madali umanong kumalat kapag summer month dahil sa sobrang init ng panahon, at paminsan-minsang pag-ulan. Pinapayuhan din ang mga matatanda na magpabakuna laban sa influenza upang labanan ang flu season na karaniwang nagsisimula sa buwan ng Hunyo. Mas magandang magtigil o manatili muna sa bahay kung may ubo at sipon. Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay at tatakpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing.
(photo credits: google photos)
| | |