Usapin ng ‘Backlog’ sa COVID-19 cases sa Isabela, Walang Katotohanan

Cauayan City, Isabela- Wala umanong katotohanan ang impormasyong may ‘backlog’ na 3,000 ang Isabela sa nakalipas na linggo.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Erlindo Cauilan Jr., Surveillance Officer ng PESU Isabela, ang nasabing bilang ay datos sa buong rehiyon at hindi lamang sa Isabela.

Dagdag pa ni Cauilan, hindi basta basta makapaglalabas ng datos dahil kakailanganin pang isailalim sa profiling ang mga pasyenteng nagpositibo sa virus bago pa man magbigay ng CV codes.


Aniya, tulong-tulong ang RESU, PESU at mga Municipal Health Office upang matukoy ang mga kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.

Hindi rin umano itinago ang backlog dahil alam pa rin ng mga LGU kung sino- sino ang mga positibo sa sakit.

Pagtitiyak ni Cauilan na patuloy ang kanilang koordinasyon sa DOH para sa CV tagging ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.

Facebook Comments