Binatikos nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Risa Hontiveros ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na hahabulin ang mga gumagawa ng modern day barter trade o palitan ng mga produkto o serbisyo dahil iligal ito at hindi nagbabayad ng buwis.
Giit nina Recto at Hontiveros sa DTI, puntiryahin ang 50 billion pesos na utang na buwis ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa halip na pagdiskitahan ang gumagawa ng barter trade.
Mungkahi ni Recto sa DTI at sa tax collectors ng gobyerno, tutukan ang mga malalaking negosyo at mga smuggler kaysa sa mga nakikipagpalitan lang ng kanilang sapatos, t-shirt, gamit sa bahay, alagang baboy o mga gulay.
Katwiran pa ni Recto, walang pinsala sa ekonomiya ang ginagawang barter trade ngayon ng ilan para mairaos ang kanilang buhay sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Diin naman ni Hontiveros, kung masisingil ang utang na buwis ng POGO ay maaari ng maging sapat ang pondo ng pamahalaan para pambili ng mga laptop para sa public school teachers.
Ayon kay Hontiveros, magagamit din ang buwis mula sa POGO pambili ng mahigit 6 na milyong tablets para sa mahigit 40% ng mga nag-enroll na public school students.