Nanawagan ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Food and Drugs Administration (FDA) na aprubahan na ang anti-parasitic drug na Ivermectin para sa Emergency Use.
Ayon sa VACC, ang Ivermectin ay ligtas, epektibo at affordable medicine na panlaban sa COVID-19.
Sa isang pahayag na inilabas ni VACC Chairman Cory Aquino, sinabi nito na sa gitna na pakikipaglaban ng bansa kontra COVID-19, ang Pilipinas ay mayroong “good fighting chance” para manalo rito sa pamamagitan ng naturang gamot.
Aniya, hinihimok niya ang FDA na tuluyan nang bigyan ng EUA ang Ivermectin at kilalanin ito bilang over-the-counter medicine.
Dagdag pa ni Aquino, dapat ay bilisan na rin ang approval sa License to Operate at Certification of Product Registration application ng isang doktor at applications din ng iba pang mga pharmacies.
Giit pa ni Aquino, maiging pag-aralan ang relevance at ethical presence ng Philippine Society of Microbiologists and Infectious Diseases na inatasan ng FDA at Department of Health (DOH) bilang certifying body.
Sinabi pa ni Aquino, dapat maging basehan na rin ang sinabi ni Concerned Doctors and Citizens of the Philippines President Dr. Benigno Agbayani Jr. na mayroong mga pag-aaral na isinasagawa sa ibayong-dagat patungkol sa Ivermectin.
Dapat anila ay maging sapat na ito para i-validate ang claims hinggil sa anila’y “very high safety and efficacy” ng Ivermectin laban sa COVID-19 bilang prophylaxis at early treatment.
Ayon pa kay Aquino, maraming bansa na rin ang gumagamit na Ivermectin kontra COVID-19 tulad ng South Africa, Slovakia, Peru, India, Mexico at marami pang mga bansa.
Maging ang mga doktor sa Estados Unidos, Australia, Canada ay inirereseta na ang anti-parasitic drug na ito sa kanilang mga COVID-19 patients.
Matatandaan, nagbabala ang mga health authorities sa publiko na walang sapat na ebidensiya na epektibong gamot ang Ivermectin kontra COVID-19.
Sinabi rin ng FDA na ang tanging nakarehistro sa bansa na Ivermectin products sa kasalukuyan na maaring gamitin ng tao ay mga topical formulations na maaring gamitin para sa paggamot laban sa external parasites.