Mas agresibong hahanapin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga unvaccinated individuals.
Ayon kay QC Task Force Vax to Normal Coordinator Dr. Maria Lourdes Eleria, simula ngayong linggo, mas paiigtingin ng Quezon City Health Office ang vaccination drive para sa mga eligible individuals sa lungsod.
Ito’y sa harap na rin ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Magbubukas ang city government ng mas maraming vaccination sites sa anim na distrito upang maa-accommodate ang mga unvaccinated resident at mabigyan ng booster shots ang mga kinakailangan nang makakuha nito.
Mayroong kabuuan na 36 regular vaccination sites, 21 special o pop-up sites, at 16 mall o establishment ang nagsisilbing vaccination sites ngayon sa lungsod.
Accessible rin ngayon ang drive-through vaccination sites at isinasagawa ang house to house vaccination para sa mga nasa banig ng karamdaman o bedridden.
Ayon pa kay Eleria, noong nakaraang taon ay nakapagpabakuna ang Local Government Unit (LGU) ng 1.7-M adult individuals.
Pareho aniyang istratehiya ang kanilang ipapatupad upang makamit ang kanilang target ngayong 2022.