Magsasagawa ng time and motion at walk-through rehearsal ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Department of Health (DOH) para sa pagdating ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ayon kay NTF Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., gagawin ito sa susunod na linggo sa airport para makita kung gaano kahanda ang bansa sa pagtanggap ng mga biniling bakuna kontra COVID-19.
Aniya, tutungo rin sila sa mga warehouse at cold chain facilities na paglalagyan ng mga bakuna, kasama na rito ang Zuellig at Unilab.
Maliban dito, mag-iinspeksyon din sila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Philippine General Hospital (PGH) at mga vaccination centers.
Bibisita rin sila sa lahat ng lungsod at geographical areas kung saan gagawin ang initial vaccination program ng pamahalaan.
Paliwanag ni Galvez, layunin ng simulation exercises na ito na maihanda ang lahat ng aspeto ng vaccination program para pagsapit ng Pebrero ay wala ng maging problema sa sistema.