Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jail Officer 2 Karla Mae Calaunan ng Community Relations Service Officer ng Cauayan City District Jail, sinabi nito na mula sa kabuuang bilang ng mga PDLs na 240 na binubuo ng 227 na lalaki at labing tatlong babae ay nasa 238 na sa kanila ang fully vaccinated.
Nasa 148 naman ang nakatanggap ng first booster dose habang nasa dalawamput isa na ang naturukan ng 2nd booster dose.
Ayon kay JO2 Calaunan, ayaw pa ring magpabakuna ng dalawang natitirang PDL dahil sa kanilang personal na paniniwala subalit patuloy pa rin silang hinihikayat para magpabakuna at makamit rin ang COVID-19 Vaccination Seal na programa ng BJMP.
Hindi naman nahirapan ang Cauayan City District Jail sa pagbabakuna dahil ilan sa mga inmates ay nakapagpabakuna na sa labas bago pa sila mai-commit sa kulungan.
Kaugnay nito ay magkakaroon muli ng schedule ng bakunahan sa mga susunod na buwan na isasagawa pa rin ng Cauayan City Health Office 1.
Samantala, nananatili pa ring COVID-19 Free ang Cauayan City District Jail dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng mga protocols kaugnay sa COVID-19.
Panawagan naman sa mga kaanak o kapamilya na dumadalaw sa kulungan na huwag kalimutang dalhin ang Vaccination card at Valid ID para iwas problema at delay sa pagbisita.
Paliwanag ni Calaunan na ginagawa nila ito para mapanatili ang status ng kulungan na COVID-19 free at para maprotektahan na rin ang mga nakapiit sa nasabing kulungan.