Vaccination slots for sale, paiimbestigahan sa Kamara

Ipasisiyasat na sa Kamara ang napaulat na “COVID-19 vaccination slots for sale”.

Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Chairman Manuel Lopez, dapat na pakilusin na ang kaukulang komite sa Kamara para maimbestigahan ‘in aid of legislation’ ang napaulat na pagbebenta sa ilang lungsod ng slot para sa COVID-19 vaccine.

Mainam aniya ito upang makabuo ng hakbang para maiwasan na ang ganitong mga pananamantala sa gitna ng pandemya.


Giit ni Lopez, ang vaccine rollout kontra COVID-19 ay mayroong proseso na dapat na mahigpit na ipinatutupad at sinusunod.

Aniya pa, anumang ahensya, lokal na pamahalaan o sinumang indibidwal na lalabag dito ay dapat na matukoy at mapanagot sa batas.

Suportado rin ni Lopez ang panawagan ng Malakanyang sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa para sa pagpapataw ng parusa laban sa mga nagbebenta ng COVID-19 vaccination slots.

Facebook Comments