Kumpiyansa si Vaccine Czar at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na may sapat na pondo ang gobyerno ng Pilipinas para bumili ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Galvez, may inilaang budget na nasa ilalim ng Bayanihan 2 para makabili ng bakuna kontra COVID-19 kung saan umaabot ito sa ₱10 billion.
Sinabi pa ni Galvez na nakausap niya ang World Bank at tiniyak nito sa kanya na tutulungan ang Pilipinas sa multilateral engagements nito sa pagbili ng bakuna.
Dagdag pa ng kalihim, wala siyang nakikitang problema sa magiging gastos lalo na’t may naka-stand by na pondo.
Matatandaan na sinabi ni Galvez na target ng pamahalaan na makabili ng paunang 24 milyong COVID-19 vaccines para sa bansa kung saan prayoridad ang mga mahihirap at vulnerable sa sakit.
Aniya, magiging available ang bulto ng bakuna laban sa COVID-19 sa katapusan ng 2021 o sa mga unang buwan ng 2022 kung saan ang pagpa-plano at paghahanda para sa implementasyon ng COVID-19 vaccination ay maaaring tumagal ng anim na buwan.