Cauayan City, Isabela- Iginugol na lamang sa pagtatanim ng mga punong kahoy ang ilang grupo sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan sa mismong araw ng mga puso kaysa makipag-date sa kanilang mga kasintahan o mahal sa buhay.
Kabilang sa mga grupong nagsagawa ng tree planting ay ang Parents Teacher’s Association ng Palauig Elementrary school sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan, kasama ang mga kapulisan mula sa Internal Affairs Service, mga kasundaluhan, Marines, media, lgu officials at mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT.
Nangako naman ang mga opisyal ng bayan na kanilang aalagaan ang mga itinanim ng mga nasabing ahensya na malaking tulong para sa kanilang komunidad.
Bukod dito, umakyat din sa bundok ang grupo na kinabibilangan ng Philippine Army, Marine Battalion Landing Team 10, PNP, Philippine Information Agency at iba pang mga pribadong ahensya para magsagawa ng outreach program.
Nabigyan ng konting tulong ang mga katutubong agta sa komunidad at tumanggap rin ang mga ito ng mga damit, damit panloob, kumot at iba pa.
Nakibahagi rin ang mga katutubo sa ginawang tree planting sa kanilang lugar bilang pangangalaga sa kanilang mismong tahanan.