Hiniling ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na palawigin pang muli ang validity o bisa ng Bayanihan 2 sa gitna na rin ng naitatala pa ring mataas na kaso ng COVID-19.
Mababatid na una nang pinalawig hanggang June 30, 2021 ang paggamit sa pondo ng Bayanihan 2 salig na rin sa RA 11519 na dapat sana’y mag-e-expire o mapapaso na noong December 19, 2020.
Ang Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act ay may pondong P165.5 billion.
Sa ilalim ng inihaing House Bill 9196, ipinapanukala ng kongresista na i-extend pa hanggang December 31, 2021 ang effectivity ng Bayanihan 2.
Sa paraan aniyang ito ay maipagpapatuloy pa rin ng pamahalaan ang pagpapatupad sa recovery at stimulus program na nakapaloob sa panukala para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa effectivity at pondo ng Bayanihan 2, sakop din ng ipinapanukalang extension ang mga kapangyarihang iginagawad sa pmahalaan para sa pagpapatupad ng emergency assistance, paglalawak sa medical resources at emergency financial initiatives.