Van na magde-deliver ng oxygen tank, hinarang ng purok leader sa checkpoint

Screenshot captured from Gina Romanos' video.

QUEZON CITY – Viral ngayon sa social media ang panghaharang sa isang van na magde-deliver ng mga oxygen tank para sa isang naghihingalong pasyente noong Linggo ng umaga.

Sa ibinahaging video ni Gina Romanos, makikita ang sagutan ng mga supplier at nagpakilalang purok leader ng Zytec Compound sa Barangay Pasong Tamo.

Kuwento ng uploader, hindi sila pinagbigyang makalusot sa checkpoint kahit may ipinakitang quarantine pass at dokumentong magpapatunay na legal ang kanilang negosyo.


Ipinaliwanag din ng kasamahan niya na urgent ang oxygen dahil nahihirapan nang huminga ang nangangailangan nito.

Pero nagmatigas pa rin ang bantay sa checkpoint at sinabing bawal pumasok at lumabas sa nasabing lugar mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Tinanong ko ‘yung purok papaano ang deskarte kasi ayaw kami paalisin. Sabi niya, ‘Edi mamatay ‘yan kung mamatay,'” ani Romanos.

Nakaalis lamang ang grupo matapos tulungan ng mga kawani ng barangay.

Desidido naman ang kampo ng supplier na magsampa ng kaso laban sa lider bunsod ng naranasang diskriminasyon.

Facebook Comments