Sa inilabas na report ng Cagayan Provincial Information Office, naglabas ng dokumento ang tanggapan ni Cagayan Provincial Prosecutor Ronnel Nicolas kung saan, inaakusahan sina Vice Mayor Matthew Nolasco y Cabote, Joles Salvatierra y Cardenas, Jofel Alipio y Taloza at Mateo De Torres y Gabani ng kasong pagpatay sa biktimang si Jefferson Torricer y Hacotina, tubong Gattaran subalit residente ng Penarobia, Abra.
Batay sa inilabas na resolusyon ng Provincial Prosecutors Office, malinaw sa isinagawang imbestigasyon na sina Nolasco at mga kasama nito ang nasa likod ng umano’y pagpatay kay Torricer noong gabi ng Disyembre 05, 2021 sa loob ng Veranda Resto Bar, Brgy. Magapit, Lal-lo, Cagayan.
Nailathala ang kaso sa Criminal Case No. II-16391, Docket No. II-02-INV-21L-00518 na inihain sa Regional Trial Court Aparri, Cagayan.
Base sa mga testimonya ng mga saksi at sa pagsisiyasat, pinagtulong-tulungan nina Alipio, Salvatierra at De Torres na gupuin si Torricer sa dingding ng resto bar bago ito lapitan ni Nolasco at tutukan ng baril sa baba sabay pinaputok na naging sanhi ng agarang kamatayan ng biktima.
Wala namang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang Kalayaan ng mga akusado.
Kasalukuyan noong alkalde ng LGU Gattaran si Nolasco ng mangyari ang naturang krimen.