VIRAL: Babaeng walang mga binti, hindi pinapasok sa BIR dahil naka-shorts

Photo from Nancy Boroc

Nag-viral sa social media ang karanasan ng isang babaeng ipinanganak na walang mga binti na hindi pinapasok ng guwardya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Calbayog City, Samar, dahil bawal daw sa mga makikipagtransaksyon ang naka-shorts.

Kuwento ni Nancy Boroc sa kanyang Facebook post, sa guard house pa lang ay hinarang na siya at sinabihan na labag ang kanyang suot sa dress code na ipinatutupad ng tanggapan base sa bagong memorandum.

Kahit na kita naman ang kalagayan ni Boroc, pinaliwanagan niya pa rin ang guwardya na hindi siya makapagsusuot ng pantalon dahil wala siyang mga binti.


Ngunit nanindigan ang guwardya na bawal ang naka-shorts maski person with disability (PWD) dahil sa naturang kautusan.

“Hay naku, alam na walang paa, at shorts lang ang pwede sakin dahil nga PWD. Pano kaya ako makapag long pants? What can they not understand???” ani Boroc sa kanyang post.

Sa isang vlog niya naman sa YouTube, idinokumento ni Boroc ang pagbalik niya sa BIR-Calbayog nang naka-shorts pa rin.

Sa pagkakataong iyon, hindi na siya hinarang at natapos niya ang kailangan niyang iproseso.

Hindi naman daw malinaw kung anong nagpabago sa isip ng guwardiya at pinapasok siya.

Paglilinaw ni Boroc, ibinahagi niya ang karanasan sa social media hindi para palakihin ang isyu, kundi para ipaalam ang nararanasan ng mga PWD na katulad niya.

“We are PWD and same as normal people, we have rights and privileges and exemptions. Magna carta for pwd in particular, sana po maging aware lahat about our situations and our Rights,” giit at paalala ni Boroc.

Facebook Comments