Viral ngayon sa internet ang kuwento ng binatang dinala sa isang ospital sa Lucena, Quezon dahil na-adik umano sa paglalaro ng Mobile Legends.
Sa Facebook post ni Joel Villota nitong Biyernes, sinabi nitong palaging nagpupuyat ang anak para lang makapaglaro ng sikat na mobile game.
Saad pa nito, madalas tulog at late sa klase ang binatilyo dahilan para maapektuhan ng husto ang pag-aaral.
Maging ang pag-eensayo ng Taekwondo, hindi nakaligtas sa pagkalulong umano ng lalaki sa “ML”.
Bakas sa post ng ama na dismayado ito sa ginagawa ng supling.
Aniya, “Hindi kayo matuto makinig kung ano ang tama tapos kami din pahirapan nyo sa gastos mga barkada mo na lagi mo tinatambayan d mo naman maasahan yan wala maitulong sayo at sa mga barkadang wala din sa ayos kng makasurvive ka last muna yan,me pangarap ka nga matigas naman ulo mo.”
Ibinahagi din ng tatay ang litrato ng anak na sumasailalim sa medical check-up at MRI scan upang malaman ang kasalukuyang kondisyon nito.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung nailabas na ang bata sa pagamutan. Umabot na sa mahigit 1,300 likes at 11,000 shares ang post ni Villota.