Cauayan City, Isabela- Viral ngayon ang pamimigay ng nasa higit kumulang 100 bagong smartphone (iPHone) sa ilang mag-aaral na residente ng Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Ito ay upang matugunan ang kawalan ng magagamit ng mga mag-aaral sa kanilang online class ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng klase sa darating na lunes.
Ayon kay SK Chairperson Maya Morales, inisyatibo ito ng kapitan ng barangay sa ilalim ng #RobinhoodProject na layong tulungan ang ilang estudyanteng magbabalik-eskwela online dahil na rin sa kawalan ng kakayahan na makabili ng nasabing gadget.
Dagdag pa ni Morales, target nilang bigyan ang nasa 180 na mag-aaral na inaasahang makukumpleto hanggang sa susunod na linggo.
Sa ngayon ay tuloy pa rin ang pamimigay ng smartphone at ilang school supplies gaya ng ballpen, lapis, highlighter, pad paper at notebook na kanilang magagamit sa pagdaraos ng online class.
Umani naman ng kaliwa’t kanang papuri mula sa netizen ang nasabing pamimigay ng smartphone sa mga mag-aaral.