Dahil papalapit na ang Pasko, inaasahang dadagsa ang mga taong humihingi ng aginaldo. Pero ang ilang guro mula sa Naic, Cavite hindi sa mga bahay nangaroling, kung hindi sa harapan ng – automated telling machine o ATM.
Mabenta ngayon sa mga netizen ang masayang pakulo ng mga titser habang nagwiwithdraw sa isang branch ng Landbank sa nasabing bayan.
Sa kuhang bidyo ni Cirilo Cansino, aakalain mong nangangaroling talaga ang mga guro dahil sa todo-bigay na pagsayaw at pagkanta ng “We Wish You A Merry Christmas”.
Nang ibigay na ang inaasam na regalo, este salapi, sabay-sabay silang umawit ng “thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you.”
Ayon sa uploader, wala silang planong mangaroling sa harapan ng ATM.
Aniya, matagal lumabas ang pera kaya napagkatuwaan nilang kantahan ito.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 2.7 million views ang bidyo ng kakaibang pangangaroling ng mga titser.