VALLADOLID, NEGROS OCCIDENTAL – Viral ngayon sa social media ang video ng isang pastor sa naturang bayan na winawasak ang imahen ng Sto. Niño.
Kita sa video na inaapakan ni Christopher Gayoba, pastor ng River of Life International Ministries, ang rebulto hanggang tuluyang maging pira-piraso.
Paliwanag ni Gayoba, wala naman raw itong kapangyarihan kaya nararapat lamang na ilibing.
Ibinahagi ng isang concerned citizen ang footage sa DYHB-RMN Bacolod na umani nang mahigit 1.8 million views.
Mariing binatikos ng mga netizen ang pastor dahil sa ginawang pagsira sa imahen.
Matapos kumalat ang insidente, agad humingi ng paumanhin si Gayoba sa publiko partikular na sa mga deboto.
“Kung nasaktan ko man kayong lahat sa pagsira sa inyong pinaniniwalaan, humihingi ako ng kapatawaran… peace na lang sana sa lahat. Magkakapatid tayo sa Diyos at wala na sanang mangyari pa,” wika ng pastor na isinalin sa Tagalog.
Nag-sorry rin ang simbahang kinabibilangan ng Gayoba kaugnay sa aksyon ng miyembro sa rebulto.
Paglilinaw ng River of Life International Ministries, hindi sumisimbolo sa “theological stands” nila ang ginawa ng kasapi.
Ipinangako din ng grupo na papatawan nila ng kaukulang parusa ang pastor.