VIRAL: Scrap collector sinalba ang itinapong watawat ng Pilipinas

Courtesy New PCR Pozorrubio PNP

PANGASINAN – Hinangaan ng mga pulis-Pozorrubio ang isang mangangalakal dahil sa ipinakitang respeto at malasakit sa napulot niyang watawat ng Pilipinas.

Batay sa Facebook post ng Pozzorubio Police Station, nakasilid sa isang supot ang bandila at nakalagay sa basurahan nang matagpuan ni Niño Malanum sa isang highway ng naturang bayan.

Screenshot from Facebook/New PCR Pozorrubio PNP

Kahit umuulan, pumunta si Malanum sa presinto para ibigay ang nakuhang watawat.

Ayon sa scrap collector, alam niyang sagradong bagay ang bandila ng Pilipinas kaya kinuha niya ito.

Sa halip na iwanan sa kalsada, minabuti niyang iabot ito sa kinauukulan bilang pagbibigay-pugay sa ating bandera.

Courtesy New PCR Pozorrubio PNP

Aminado si Malanum na nangangamba siyang makasuhan at mapagbintangang nagtapon nito.

Kasalukuyang nakatabi ito sa tanggapan ng nasabing police station habang walang naghahanap.

Sa ilalim ng Executive Order No. 179 of 1994, maaring itapon sa mabuting paraan ang mga luma, sira, o punit na bandila ng Pinas. Puwede rin itong sunugin ngunit sa pribadong lugar dapat.

Facebook Comments