Nanindigan si Vice President Leni Robredo na hindi siya magpapatinag at isisiwalat ang mga natuklasan sa war on drugs.
Ito’y matapos siyang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs.
Iginiit ni Robredo, maayos niyang ginampanan ang kanyang trabaho ngunit pinagtulungan at pinagkaisahan siya para hindi magtagumpay sa kampanya kontra iligal na droga.
Pinuna rin ni Robredo ang pagtatago sa kanya ng impormasyon patungkol sa drug war.
Palaban ding sinabi ni Robredo na hindi pa tapos ang laban at determinado siyang panagutin ang mga dapat managot at ipanalo ang kampanya kontra droga.
Hindi naman nababahala ang Malacañang sa anumang ibubunyag ni VP Robredo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, lahat ng sinasabi ni Robredo na isisiwalat niya ay kanyang nalaman dahil binigyan siya ng access sa mga ito.
Kaya itinalaga sa ICAD si Robredo para mapatunayang transparent ang drug war.